Maraming Salamat Po!!  

Posted by vampiejen

Hindi pa rin ako makapaniwalang nanalo ang blog kong ito sa blog patimpalak ng kagawaran ng Filipino para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Nais ko lamang magpasalamat sa mga taong tumulong sa akin.

Nagpapasalamat ako sa Panginoon para sa lahat-lahat. Nagpapasalamat din ako sa mga huradong nagbigay ng panahong basahin ang aking blog. Nagpapasalamat din ako sa lahat ng mga naging guro at kasalukuyang guro ko sa Filipino para sa lahat ng naituro nila sa akin. Nagpapasalamat din ako sa aking pamilya sa kanilang matiyagang pakikinig sa pagbasa ko ng blog ko sa kanila kahit na alam kong ayaw nila itong marinig...hahahaha...Nagpapasalamat din ako sa lahat ng aking kaibigang sumusuporta sa akin at matiyagang sumusubaybay sa blog ko. At siyempre, hindi ko malilimutang pasalamatan ang aking pinakamatalik na kaibigang si Keenly sa walang-sawa niyang pagbibigay-komento sa aking mga sanaysay sa Filipino.

P.S. Hindi pa rin ako makapaniwala. Pakiramdam ko ngayo'y lumulutang ako sa langit...hahahaha...

Chinoy ako!!  

Posted by vampiejen


Marami sa kabataan ngayon ang nagkakaroon ng tinatawag na “identity crisis.” Maaaring tungkol ito sa pagiging kabahagi ng mga grupo tulad ng mga popular na kabataan, “emo,” “nerd,” at iba pa. Sa mga kabataan namang tulad ko, masasabi kong hindi lamang ganitong klaseng “identity crisis” ang aming hinaharap.

Ako’y isang Instik na ipinanganak sa Pilipinas. Maraming kabataan sa Pilipinas ang may parehong karanasan – mga Hapon, Koreano, Amerikano, at iba pa na dito na rin sa Pilipinas ipinanganak. Mahirap malagay sa ganitong kalagayan dahil hindi namin alam kung saan kami lulugar. Tingin sa amin ng iba’y nakatataas dahil nakaaangat daw kami sa buhay; ang iba nama’y minamaliit at minamata kami dahil hindi nga naman kami tunay na dugong-Pinoy. Madalas ko rin namang naitatanong sa aking sarili kung ano ba talaga ako. Ako ba’y isang tunay na Intsik o isang tunay na Pilipino?

Sa piling ng isang konserbatibong pamilya na “Fookien” ang wikang gamit sa tahanan, alam kong ako’y isang Intsik. Napagagalitan kaming magkakapatid sa tuwing maririnig kaming nagsasalita sa wikang Filipino sa bahay. Nang naglaon ay ipinagtaka ko ito. Lagi kong tanong sa aking sarili, “bakit ba ako pinagbabawalan ng aking mga magulang na magsalita sa wikang Filipino, eh nasa Pilipinas naman kami?”

Sa paglaki ko naman sa isang pribadong Chinese na paaralan, lalong naibaon sa aking isipan ang aking pagiging Intsik. Napalibutan man ako ng mga tulad kong Intsik, Filipino rin naman ang wikang aming ginagamit araw-araw. Sa kadahilanang ito, lagi rin kaming pinagagalitan ng aming mga guro, ang aming mga ikalawang magulang. Magkatulad ang kanilang sermon – mas mainam ang magsalita sa wikang “Mandarin” o “Fookien” kaysa sa magsalita sa wikang Filipino. Isang hindi ko malilimutang aral na itinuro sa amin ng guro namin sa “Chinese History” ay ito: “Intsik kayo! Hindi kayo mga Pilipino! Pilipino lamang kayo sa inyong mga pasaporte ngunit dugong-Instik pa rin kayo!” Madalas sumasagi ang aral na ito sa aking isipan tuwing naiisip ko ang kasalukuyang kalagayan ng ating bansa. Sa aking pagmumuni, lagi kong naitatanong sa aking sarili, “Hanggang pasaporte na lamang ba talaga ang aking pagiging Pilipino? Kung gayon, bakit ang laki ng aking malasakit sa Pilipinas?”

Pagtuntong ko sa Ateneo, nagbago ang aking pananaw ukol sa paksang ito. Malaking bahagi ng pagiging Atenista namin ay ang pagpapahalaga sa aming pagiging Pilipino. Hindi tulad noong haiskul, mas malalim na ang aming tinatalakay sa Filipino. Hindi lamang iyon, mas ineengganyo pa kami ng Ateneo na palaguin ang aming paggamit ng wikang Filipino. Lalo pang nahubog ang aking pagiging Pilipino pagdating sa NSTP. Sa simula pa lamang ng NSTP, tinanong na kami ng aming “formator,” “Sino rito ang hindi Pilipino?” Sa totoo lang, nag-agam-agam ako kung magtataas ba ako ng kamay o hindi. Sumagi na naman kasi sa aking isipan ang itinuro sa amin ng aking guro sa “Chinese History.” Subalit hindi na rin ako nagtaas ng kamay dahil sa kahihiyan. Tinanggap ko na lamang na ako’y isa ngang Pilipino sapagkat kailangan kong mag-NSTP. Kung hindi naman ako isang Pilipino, hindi ko kinakailangang mag-NSTP.

Sa muli ko namang pagmumuni-muni, napagtanto kong Pilipino nga naman talaga ako. Dito na ako sa Pilipinas lumaki at namulat. Pusong Pilipino na ako. Kung papipiliin mo ako kung saan ko gustong manirahan, malamang ay pipiliin ko pa rin ang Pilipinas dahil ito na ang kinalakihan kong kultura at masaya na ako kung nasaan ako ngayon.

Kung babalikan ang aking naunang tanong kung ako ba’y isang Intsik o isang Pilipino, isa lang ang maaari kong isagot – ako’y isang Chinoy! Hindi naman maikakaila na iba ang itsura ko kung ikukumpara sa ibang mga dugong-Pilipino talaga. Mga tradisyong Intsik na ang aking kinalakihan at hindi ko naman kailanman maaaring talikuran ang aking pinanggalingan. Ngunit kung ikukumpara ko naman ang aking sarili sa mga Intsik na tubong Tsina o Taiwan talaga, kitang-kita rin naman ang aming pagkakaiba. Hindi ko kayang magsalita sa wikang “Mandarin” o “Fookien” gaya nila. Mas komportable pa rin ako na gamitin ang wikang Filipino sa aking pang-araw-araw na kabuhayan.

Sa kabuuan, hindi ko maaaring talikuran ang dalawang kulturang aking kinalakihan. Hindi ko lubusang maisip kung paano ako mabubuhay nang wala ang dalawang ito. Maaari mong sabihing napagsama ko na talaga sa aking buhay ang dalawang kulturang ito. Sa kabila ng lahat, mananatili akong isang Chinoy. Bagaman dugong-Intsik ang dumadaloy sa aking buong katawan, magkahalong kaugaliang Pinoy at Intsik pa rin ang nakapaloob sa aking isipan; at pusong-Pinoy pa rin ako.